Sunday, July 09, 2006

Upos ng Sigarilyo

July 9, 2006


Nag sindi ako ng sigarilyo. Humithit ng dalawang beses. Unti-unti, ninanamnam ko ang usok, ang nicotina na pumapasok at sumusunog sa aking baga. Ilang taon na nga ba akong naninigarilyo? Ah, hindi ko na maalala. Masyado ng matagal iyon, maraming taon na ang nakaraan.

Ulyanin na ko. Pakiramdam ko tuloy ang tanda ko na. Minsan sasabihin sa akin na hindi naman daw ako mukhang matanda. Nakakatawa. (pitik sa sigarilyo) Wala na talaga magawa, pati abo na nahuhulog sa sahig pinakatititigan ko. (Buntong hininga) Tatayo,uupo, tatayo, maglalakad, iikutin ang apat na sulok ng kinalalagyan ko.

Uupo, itataas ang paa sa papag, ipapatong ang kamay na may sigarilyo na malapit ng maubos, tapos hi-hithit uli. Aba, may kasama pala ako dito. Sa kisame, dalawang butiki na nanghahabulan. Napakisimple ng buhay nila, naghahabulan, magkasama, naglalampungan. Naisip ko, di ba ako din dati ganon? May kasama, di nag-iisa, laging nakangiti at tumatawa, hindi tulala.

Napapakamot sa ulo. Ah, dati mahaba ang buhok ko, makapal, at maitim. Noon tamad pa nga ako na alagaan ko ito,mas gusto ko yung laging nakatali lang. Bihira akong magpagupit. Pero sinisiguro ko na laging malinis at mabango, kahit ako mismo ay walang luho o hilig na ayusin ito at sumabay sa uso. Kamot uli sa ulo, aahhhh, wala na ang buhok na makapal at mahaba, kahapon kagagaling lang ng manggugupit, wala na, kalbo na, malinis na malinis, lumabas ang puti ng anit.

Puti. Dati maputi ako, sa sandaling pamamalagi ko dito di naman ako namutla, umitim din ako ng kaunti. Sadyang nagbibilad ako sa araw. Dalawang oras din ang pinamamalagi ko sa arawan, sinsamantala ko, baka sakali maging "tan". (Matatawa)(Aabot ng sigarilyo) Sisindihan at hihithitin, kapagkuwan, tatawa ng malakas habang umi-iling.

Hagalpak. Dati masayahin akong tao. Mahilig pa nga akong magpatawa eh. Mahilig ako sa "jokes". Katwiran ko noon, ako ang kasama mo, aba bawal ang tahimik at lalong lalo ng bawal ang malungkot. Kahit sa burol ng kung sino man nagpapatawa ako. Maloko eh. (Buntong hininga).

Burol. Malamang sa makalawa ako naman ang nakaburol. (Napapangiti habang umiiling) Sino kaya pupunta sa burol ko? Mga magulang ko? Di yata. Mga kapatid ko? Malabo. Eh, mga kamag-anak ko? Meron pa ba? Ah, mga kaibigan ko? Siguro kung may natira pa na hindi takot sa akin. Siguro kung may magmamahal pa sa akin.

Saan na sila? Eh di, inubos ko na silang lahat. Paano? Meron akong tinaga, may nanlaban, binaril ko, may sinakal ako. Yung mga bata? Eh di pinagsamasama ko sa isang lumang bahay ng tiyuhin ko, tapos sinunog ko. Amoy na amoy ko sila.

Sentensya. Silya elektrika. Wala daw magawa ang abogado ko, di pa daw uso dito sa atin ang "insanity plea". Insanity plea. Di ako baliw. Alam ko ginagawa ko. Napagod na lang ako sa kanilang lahat, kaya minsan na napikon ako eh di patay silang lahat. At kaya lang naman nila ako nahuli kasi sa sobrang pagod nakatulog ako. Pag gising ko, heto, nasa selda na ako. Nakakatawa nga eh, kasi hiniwalay ako sa ibang mga kasama ko dito,(pabulong bulong), (takot sila, takot sila, takot sila).

Silya. Malapit na ako sa silya. Isa lang nakakainis. Pagkatapos ko sila patahimikin, malamang, sa isang iglap, makikita ko na naman uli sila. Silang lahat. Di ba nakakainis?


Indio

0 Comments:

Post a Comment

<< Home