bangkang papel
01 November 2005
isang bangkang papel
lumulutang-lutang
sa gilid lansangan
walang nasasagasaan,
walang tinatamaan
tiwalang paikot-ikot
sa mumunting sukal
ng pusali sa gilid
ng isang kalsada
sa nakagisnang mundo
isang sandali
tahimik,
biglaan,
isang siglot,
malupit na hagupit
kapag-daka,
isang tsinelas,
dahilan ng pagtilapon,
pagtalsik,
ang abang bangka, ka-awa-awa,
sadyang di pa nasiyahan;
hinabol at tinapakan
niluray...
atsaka pa lang iniwan
sa likod ng poste,
isang musmos
kanina pa nakasilip
daliang lumapit
lumingon sa paligid
nagmamadali,
daliang pinulot
ang sira-sirang bangka
at sa kanyang bisig
nagsalop,
ang bangka at
ang kanyang luha.
-indio-