Wednesday, October 10, 2007

Trapo…

October 2007


Minsan noong isang nakaraan, napanaginipan ko ang aking pamilya. Masaya na nagsasalu-salo sa hapag kainan. Walang nagsisigawan walang alak. Puro kuwentuhan lang at tawanan. Lahat kaming magkakapatid ay bagong ligo at may malinis at mabangon damit sa aming pangangatawan. Alaga ng ina na maunawain at mapagkalinga, ng ama na laging handang tumulong at makinig. Larawan ng isang napakasayang pamilya. Sayang…

Sayang…

Ang lahat ay isang panaginip lang.

Nagising ako dahil kumakalam na ang sikmura ko. Namimilipit na ako sa gutom. Ang bunso kong kapatid ay humihikbi, hindi na maka-iyak, malamang, ay mas gutom pa sa akin ang kalunos-lunos kong kapatid, Sinubukan ko uling habulin ang panaginip ko kanina. Maya-maya lang ay isang malakas na hagupit ang lubos na gumising sa akin. Alam kom na hindi ako dapat umiyak ng malakas, kung hindi ay may mas malakas na sampal, o palo, o hagupit ng sinturon ang dadapo sa akin. Ang tatay ko, "tumayo na raw ako at mag trabaho." Ang nanay, nasa kusina, ipinaghahanda ng am si bunso dahil wala na raw gatas. Tumatapon tapon pa ang am dahil hindi ma-isara ang bote, Malamang lasing na ang nanay ko. Mabuti pa raw ang mga kapatid ko kanina pa gising at naghahanap na ng kita, paalalahanan ko daw na bumili ng bigas at wala ng laman ang garapon, bumili na rin daw ako ng gatas, at wag kakalimutan ang demonyong inumin nila.

Nagmamadali na akong tumayo at nakitako ang tatay ko na hinahanda na naman ang kanyang sinturon. Kahit na kulang sa tulog at nanghihina sa gutom, ay mabilis pa sa palos, nasa labas na ako ng pintuan ng barong-barong namin. Kumakalam ang sikmura ko pero wala akong pangkain. Sa kalsada na ako maghahanap. Di pa ako nakakalayo ng sumigaw ang tatay ko, isama ko daw si bunso sigurado mas malaki daw ang kita ko. Kinuha ko si bunso, wag daw akong uuwi ng wala ang mga bilin nila.

Nagmadali na akong naglakad-takbo palayo, baka madagdagan na naman ang mga utos at habilin nila. Nabangga ko ang isang mag-aaral. “Pasensya na”. Lumayo lang sila,na-amoy siguro ang mabaho kong hininga, marumi at gusgusing damit. Na-iinggit ako sa kanila. Habang kaming magkakapatid ay gusgusin at mabaho, sira-sira ang ipin, sila ay malinis at masinop, mabango at malusog. Siguro mapagkalinga ang mga magulang nila. Ako hindi na naka-apak ng unang baitang. Si ate lang ang nagturo sa akin kung paano magbasa, nagulat pa nga siya at mabilis daw akong natuto. Sino ba naman ang hindi mapapabilis na matuto eh ang daming nakalagay sa mga pader na “BAWAL.” Lalo na paghinabol ka ng walis at matamaan ka ng boteng lumilipad sa ulo, maaalala mo talaga ang salitang “BAWAL.”

Habang karga ko si bunso bigla namang umulan, tumakbo ako sa isang silong ng isang tindahan, pinaalis ako ng tindera mabaho daw ako at marumi walang lalaput sa tindahan niya, walang bibili sa kanya. Kaya tumakbo uli ako sa kalsada, baka mabato na naman ako ng kung anu-ano o di kaya mabuhusan ng ihi. May nasilip akong karton sa kanto, nagmamadali ko itong kinuha at itinaklob sa ulo naming magkapatid. Ang itim ng tubig na tumutulo sa aming katawan, naisip ko tuloy tanggalin muna ang taklob pansamantala, maliligo muna kami ni bunso, para mabawasan ang baho namin at baka makapaglimos kami ng mas maayos dahil makakalapit na kami sa mga tao pag hindi kami masyadong mabaho.

Ayan tumila na ang ulan, doon muna kaya kami sa oberpas, tapos siguro sa simbahan. Uy, puno ang basura sa tapat ng restawran, may almusal at tanghalian na malamang kami ni bunso. Magkakalakas na ako na kargahin si bunso sa mag hapon, sana mabilis ang kita para mabili ko lahat ng bilin. Saan kaya tumambay mga kapatid ko?

Hapon na kulang pa rin ang aming kita. Nak ng tinola. Maibaba na nga muna si bunso dito sa simbahan, nangangalay na ako. Kanina pa nga pala hindi umiiyak si bunso, siguro kailangan na niya ng gatas? Susubukan ko humingi sa bantay sa may simbahan, mabait naman yun may anak yun na sanggol at lagi akong binibigyan ng gatas pag dala ko si bunso.

“May konting suwerte ka pa rin bunso,” nasambit ko sa pagbalik ko sa natutulog kong kapatid. Sabay bitbit papasok sa simbahan. Tumingala ako, andun Siya, nakapako. Pag nakikinig ako sa sermon ng pari, ang sabi niya eh Siya daw ang nagligtas sa buong sangkatauhan. Eh, kung tagapagligtas Siya, bakit kami nagkakaganito?

Dumidilim na mabuti pa umuwi na kami bibili pa ako ng bigas, sana umabot ang pera para may pambili ng gatas si bunso, kahit ebaporada lang.

“Anak ng…” Akala ko pa naman masuwerte na, bumubuhos na naman ang ulan. “Saan kaya pwedeng sumilong, maginaw ang ulan na ito ah.” Sa may oberpas doon muna kami. Nakakapagod, hapong hapo na ang katawan ko. “Huuuu… ang lamig, nahihilo na ata ako.” Si bunso tinititigan ko, parang anghel, ang sarap ng tulog at di umiiyak. Hinigpitan ko ang yakap at tinago ko sa hanging malamig at ambon mula sa ulan, Nagdikit ang aming pisngi, mainit, naku may lagnat ata ang kapatid ko. Ano na naman ang gagawin ko? Pag-uwi ko siguradong bugbog ako. Wala ring pambili ng gamot. Wala ring tatanggap sa aming ospital dahil wala kaming pambayad.

Brr…rr…

Gabi na ah bakit ba yaw tumila ng ulan? May bagyo kaya?

Ang ginaw!

“Bunso dito na muna tayo ha? Yakap ka ni ate. Wag kang matatakot magkasama tayo lagi,. Walang iwanan. Iidlip lang tayo tapos hahanap tayo ng tulong. Iidlip lang ako, giniginaw na kasi ako eh.”

NAGBABAGANG BALITA!!!

Ronda Patrol.

“Magkapatid natagpuang patay sa taas ng oberpas sa may Quezon City…”




Indio

0 Comments:

Post a Comment

<< Home